Apatnapung araw ba
ang nilaan sa ayuno;
’singtulad ng gunita
ng tagatubos na Kristo?
Mata ba’y mapupuwing
sa kapirasong gabok;
Miyerkules ng pangilin,
bakit pawang nilimot?
Magkano ang kinita
sa bawat palaspas,
upang ipagkait sa dukha
isang takal na bigas?
Sa pag-awit ng Pasyon,
ano ang inatupag?
Sa halip na sa poon,
lumuhod sa dilag.
Noong Biernes nilapa
ulam na mechado:
kalam ba ng sikmura
di kaya ng arroz caldo?
Oo nga't selebrasyon
Pasko ng Pagkabuhay,
Ngunit bakit atensyon:
sa itlog na may kulay?
Minsan, isang kuwaresma
ako ay napaisip:
sa ating paggunita,
Kristiyano ba’y pilit?
No comments:
Post a Comment