lingid sa kaalaman
ng mas nakararami-
mundong ito'y binubuklod
ng iisang kiliti.
panlasa mo ma'y
kakaiba sa akin at kanya
batid kong may isang bagay
na sa atin ay iisa.
datapwa't sa ngayon
ito ay lihim na nakabaon
darating ang panahon
ito'y mabibigyang tugon.
sa pagsapit ng araw
na yao'y matuklasan
hatid nito'y kaligayahan
sa buong sangkatauhan.
ang lihim ng mundo-
Kanyang handog sa Tao
at itong nakatago
sa ating mga puso.
Sintulad ng kuting
na inilaboy ng ina,
musmos na yagit
sa bangketa namahinga.
Alaala ng mga biyuda
ang nagsilbing papag
sa kanyang pagharok
doon sa Libertad.
Bahagyang naalimpungatan
sa tinikling ni Rizal
nang Gat ay sumilong
sa silindrong kalawang.
Tulad ng dati,
pamasahe'y kapos
upang maitawid
sikmurang hikahos.
Sa bawat sakong
na makalabit,
isang panalangin
ang sinasambit.
Nagparang luwad na
kanyang mga bisig,
subalit sa pag-awit
patuloy ang sigasig.
Sa kanyang pagtikim
ng sariling pawis,
tanging saksi:
mga bangaw at ipis.
Alinsabay sa pagbantas
ng kapirasong ilong,
ginawang panghimagas
daliring malutong.
Matapos ang hapunan,
kanya nang hinigop-
umuusok na sabaw
ng alikabok.
Pisong kinita,
kapalit ay kendi-
ginawang panghiso
sa bulok na ngiti.
Lumipas na nga
ang mga orasyon,
busog na sa alay
ang mga poon.
Subalit, isang paslit,
sadyang kinalimutan...
muling hihimbing
na may kalam ang tiyan.