Saturday, June 2, 2007

Indak

Bagama't kay yumi
sa kanyang pagsayaw,
poot na kinikimkim
iyong maaaninaw;
isang binibining
hinubog ng lihim,
isiniwalat ang damdamin
sa bawat arimunding:
Subukang pagmasdan
kanyang giling at indayog:
mga kandirit ay tinuldok
sa bumabagang poot.
Tingnan kanyang bisig
sa bawat kumintang:
lagablab ang galit
sa kanyang mga hakbang.
Sayaw ang dalangin
ng lakambining mahinhin,
sa bukangliwayway
maging sa takipsilim;
Lihim na bumabalse,
kasabay ng hangin,
habang kanyang mga luha'y
itinago sa dilim.

No comments: