Saturday, September 1, 2007

Pagtahan


Bumubulong ang ungol
sa tabing ng dilim-
kasabay ng mga sibat
ng kawal ng Bathala;
mayamaya pa't
ang langit ay tumangis:
luha ay dumaloy
sa bawat sulok ng dagat.

Sumasampal sa pampang
ang bawat agos ng alat:
tangan ang lumbay
ng sangkalupaan;
samusamo ang pighati
ng mga ulap at gabok,
sampu ng iba pang
sumusukob sa mundo.

Ang lambak, ngayo'y lunas...
sa dalisdis, may talon;
Sa hagupit ng daluyong:
mga yungib ay sumuko.
Datirati'y uhaw,
lupalop ng silangan,
subali't ngayong umaga,
kapataga'y mga pinak.

Hindi naman naglaon,
galit ay natinag
ng buhawing kumitil
sa libong hininga.
Ang mga ulila't balo,
bumangon sa unos:
kahapon may lunod,
pumipintig ang bukas...
mga sinag ay tumagos
sa kumot ng dagim,
bawat hibla ng bahaghari
sa higanto'y sumilip.


----- ----- ----- ----- ----- ----- -----
Photo Credits

No comments: