Saturday, May 12, 2007

Hinagpis ni Magdalena


Sa lipunang mapanglait itinuring kang sampid.
Kinutya kang parang putik maging ng mga sagigilid.
Dignidad mo’y nilamatan ng mga dunong na mangmang.
Pangalan mo’y niyurakan ng mga kagalang galang.

Sa sambit ng yong ngalan sila'y dumudura.
Maging pamilya mo’t mga kaibigan pilit kang itinatwa.
Kritisismo’t pangungutya isinampal sa’yong mukha.
O abang Magdalena, ikaw nga ba’y isinumpa?

Ano nga bang kasalanan mo sa lipunang ito;
pawang di nila matanto ikaw rin ay may puso?
Tuluyan na nga bang nagbago ang mundo
at di nila marinig ang ‘yong pagsaklolo.

O abang Magdalena, pilitin mong bumangon.
Di ka pababayaan ng mahabaging Poon.
Di magtatagal, darating din ang panahon…
lahat ng ‘yong dalangin ay mabibigyang tugon.

No comments: